Isang lalaki ang nalapnos ang katawan hanggang binti matapos na silaban umano ng kaniyang ka-live in habang natutulog ang biktima sa Tagoloan, Misamis Oriental.


Sa ulat ni Darlene Cay sa GMA News TV “State of the Nation” nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Ponciano Liñan.

Naaresto naman kinalaunan ang suspek na si Marites Sumampong.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, binuhusan ni Sumampong ng gasolina ang biktima habang natutulog noong Sabado.

Nadala naman sa ospital ang biktima pero napilitan ding lumabas dahil sa kakulangan ng pambayad.

Nang mahuli ng mga awtoridad si Sumampong, nagpunta ng presinto si Liñan upang i-atras ang reklamo.

Pero nitong Miyerkules ng gabi, isinugod si Liñan sa ospital at idineklarang dead-on-arrival dahil sa komplikasyon sa mga sugat na kaniyang tinamo dahil sa sunog.

“Masakit pero tatanggapin na lang namin kasi hindi naman kami nagkulang sa pagpapaalala na makipaghiwalay na siya. Pero ayaw niyang hiwalayan,” sabi ni Jocelyn Muraca, kapatid ng biktima.

Nais ngayon ng pamilya ni Liñan na ituloy ang kaso dahil hindi raw ito ang unang beses na sinaktan ni Sumampong ang biktima.

Ayon sa pamilya, dati nang sinugatan ng suspek ang ari ng biktima gamit ang blade.

“Para magkaroon ng hustisya para sa anak ko kaya itutuloy ko ang kaso. Pagkatapos ng libing, pupunta kami sa munisipyo, sa pulis, para ipa-blotter at makulong siya,” sabi ni Lolita Liñan, ina ng biktima. -Joahna Lei Casilao/FRJ, GMA News