May hiling si Barbie Forteza sa kaniyang nobyong si Jak Roberto para maiba naman at pareho silang maging masaya sa nalalapit na Valentine's Day.

"As you all know, every Valentine's Day, laging may pakulo ang Jak Roberto sa akin. Palaging may pa-surprise, palaging kailangan mag-aaway muna kami para hindi ko mahalata na may surprise siya sa akin," sabi ni Barbie sa At Home with GMA Regional TV.

"Kaya nga sabi ko sa kaniya, 'Mahal, tatlong taon na tayong nag-aaway bago mag-Valentine's. Puwede bang next year, sabihin mo na sa akin kung ano ang gagawin natin," patuloy ng natatawang Kapuso actress.

Para kay Barbie, gusto niyang ipagdiwang naman ang Araw ng mga Puso na wala nang iyakan nang dahil sa inis o pagka-bad trip dahil sa prank ng nobyo.

"Para at least, 'di ba, mapayapa nating ma-celebrate, masaya tayo parehas, hindi na ako umiiyak. Ganon!," natatawa pang sabi ni Barbie.
Gayunman, wala pa naman daw sinasabi sa kaniya o hindi pa niya alam ang balak ng nobyo.

"So sa ngayon, wala pa siyang sinasabi sa akin. Ayokong mag-assume pero malamang sa malamang may surprise na naman 'yan," patuloy ni Barbie.

Laging nabobiktima ni Jak si Barbie ng kaniyang mga prank sa kaniyang YouTube channel.

Nitong Enero, sinubukan ni Jak ang isang social experiment kung saan magso-sorry siya kay Barbie ng 100 beses, at hindi naiwasang mapraning ng dalaga.

Umiyak din si Barbie nang i-prank siya ni Jak sa kaniyang kaarawan, na nagkunwaring nakalimutan ito.

Hindi naman gumana ang "breakup" prank ni Jak sa kaniyang nobya.--FRJ, GMA News