Bunso sa apat na lalaking magkakapatid, inasahan pala noon ng mga magulang ni Vic Sotto na magiging babae siya.

Sa programang "Tunay Na Buhay," ikinuwento ni Bossing Vic na Marvic ang tunay niyang pangalan, na kung naging babae siya ay Maria Victoria.

"Kasi nga apat kaming lalaki 'di pa naman kasi uso ultrasound noon. So nung ipinanganak ako, lalaki pa rin kaya pinangalanan akong Marvic dahil Maria Victoria 'yon," pagbahagi niya.

Ipinakita rin ang video kung saan nakabihis babae siya Vic noong bata pa.

"So 'yung nanay ko, noong mga one year old ako, binibihisan ako ng babae," dagdag ni Bossing.

Ayon naman kay Senate President Tito Sotto, dahil bunso si Vic, siya ang naging paborito nilang magkakapatid, pati na sa mga biruan.

"Noong bata pa siya, mataba, tahimik, mabait. Siya lagi ang kakampi ko eh sa aming apat na magkakapatid na lalaki. Siya ang bunso eh, so parang siya 'yung paborito ng magkakapatid, siya rin 'yung paboritong biruin kadalasan," sabi ni Tito Sen.

Napag-alaman din na si Tito ang naging daan para makapasok sa music industry si Vic, hanggang sa mapasok na rin nila sa showbiz.

Pero papaano naman kaya nila nakilala si Joey de Leon at naging daan para mabuo ang matagumpay nilang trio na Tito, Vic and Joey?

Panoorin ang kuwento ng buhay ni Bossing Vic sa video na ito.

--FRJ, GMA News