Isang buhay na kambing ang isinilang sa Pura, Tarlac na isa lang ang mata, pero dalawa ang cornea at walang ilong.

Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional Tv "Balitang Amianan" nitong Huwebes, sinabing biyaya pa ring itinuturing ng mga may-ari ang kambing na isinilang sa Barangay Nilasin 2nd.

Ayon kay Shaenna Mae Bala, may-ari ng kambing, sumigaw ang kaniyang ama na abnormal ang kambing nang iluwal ito.

Nang tingnan nila ang bagong silang na kambing, nakita nila ang nag-iisa nitong malaking mata sa noo, walang ilong at hirap na tumayo.

Hinayaan nilang mabuhay ang kambing at kanilang pang pinadede pero namatay din ang hayop kinalaunan.

Ayon sa beterinaryo, congenital abnormalities ang nangyari sa kambing.

"Hindi mag-match yung genes nila kaya nagkaroon ng ganooon. Kapag hindi mag-match kasi mostly, nagkakaroon ng abnormality," sabi ni Dr. Tonny Baligad.

Noong nakaraang buwan, isang tuta naman sa Aklan ang isinilang na iisa rin lang ang mata at kakaiba ang hitsura.--FRJ, GMA News