Ikinuwento ng "Pambansang Abs" na si Jak Roberto kung papaano siya nagsimulang magpalaki ng katawan dahil sa isang pelikula na itinuring niyang magandang oportunidad para "mapansin" siya ng mga tao.

Sa virtual interview ng GMA News Online kamakailan,  sinabi ni Jak na nagsimula siyang mag-workout noong 2016 nang mapili siyang kasama sa pelikulang "Laut."

Itinuring ni Jak na malaking oportunidad sa kaniya ang naturang pelikula kung saan kasama rin niya ang girlfriend na niya ngayon na si  Barbie Forteza.

"Talagang pinaghandaan ko. Talagang sabi ko, 'Kailangan mapansin ako dito. Kailangan ready ako and walang masasabi sa'kin 'yung tao.' Na 'pag nakita nila [sasabihin nila] 'Wow sino 'yan? Ang ganda ng katawan'," kuwento ni Jak.

"Gusto kong makilala talaga so, by that time, nag-prepare ako. Hindi lang sa body pati na rin sa role na ginampanan namin," patuloy niya.

Ang pakay lang noong una ni Jak ay magkaroon ng muscle para sa kaniyang role pero sa sobrang workout ay naging maskulado siya sa loob lang ng dalawang buwan.

"Ang laki ko, para talaga akong naka-ganyan maglakad," paliwanag ni Jak habang pinapakita ang kaniyang biceps.

"Sabi ni Direk Louie, 'Ay, Jak, hindi ganiyan 'yung role na kailangan natin, kailangan natin...parang batak sa trabaho, gano'ng katawan. Hindi 'yung parang batak sa gym,' sabi niya," patuloy ng aktor.

"So, by that time din nag-bulk up ako tapos nag-diet ako para mag-shred 'yung muscle ko, dun lumabas 'yung six-pack," saad pa niya.

Sa kabila ng kaunting "aberya," masaya si Jak sa naging resulta ng kaniyang paghihirap sa kaniyang katawan na talaga namang napansin ng lahat.

"Ang sarap mag-selfie, ang sarap mag-post sa social media. Hindi ko naman alam na 'yung mga Kapuso natin tsaka ang mga followers ko, magugustuhan nila," ani Jak.

Nagpapasalamat naman ang aktor sa mga taong nakakapansin sa kaniyang paghihirap upang maging fit and healthy.

"Minsan nga biruan natin sa 'Bubble Gang,' halimbawa, bibigyan ako ng t-shirt. 'Oh Jak, kasya ba sa'yo 'yung small?' Sabi ko, 'Siguro mga 2017 kasya 'yan pero ngayon mga medium na tayo," natatawa niyang kuwento. —FRJ, GMA News