Muntik nang mauwi sa trahediya ang masayang katuwaan ng isang grupo ng kalalakihan nang paikutin nila ang isang katropa hanggang sa mahilo at saka inihulog sa swimming pool sa Rosario, Agusan del Sur.

Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, makikita sa CCTV footage ang magbabarkada na nagkakatuwaan sa gilid ng pool dahil may nagdiriwang sa kanila ng kaarawan.

Isa sa kanila ang pinaikot-ikot ng grupo hanggang sa mahilo at saka inihulog sa tubig.

Sa tubig, makikita ang biktima na nagpapalag hanggang sa tuluyang lumubog.

Tumalon naman sa tubig ang isa sa grupo pero hindi niya nakuha ang biktima.

Inabot pa ng limang minuto bago may lifeguard na tumalon sa tubig at saka lang nakuha ang biktima at dinala sa ospital.

“‘Di ko po nakayanan kasi ho ‘di ko po matanggap na ‘yong time na nangyari po nasa Davao po kami. Ttapos may tumawag na patay na raw si Ralph kasi nalunod and then kinonfirm naman po na nawalan po ng heartbeat at tsaka pulso,”  ayon sa ina ng biktima ng nagpapagaling pa sa ospital.

Ayon sa pulisya, maaaring sampahan ng reklamong reckless imprudence resulting to physical injury ang mga kaibigan ng biktima.

Maging ang pamunuan ng resort ay maaari din umanong managot.—FRJ, GMA News