Sa halip na grasya mula sa mga proyekto ang dumating, disgrasya ang inabot ng isang modelo matapos siyang sumailalim sa butt enhancement procedure sa isang tao na hindi pala lisensiyado upang gumawa ng naturang proseso.

Sa dokumentaryo ni Kara David sa "Brigada," ikinuwento ng lingerie at Instagram model na si "Jaymee," hindi niya tunay na pangalan, na sumailalim siya butt enhancement procedure para magkaroon pa sana ng mas maraming oportunidad sa modeling.

Nakilala niya si Jermon na nagpakilalang doktor na nag-alok na tuturukan siya ng hydrogel sa puwetan. Mas mura ang alok na presyo ni Jermon kumpara sa mga kilalang aesthetic clinic.

Sa unang session, naging maayos naman daw ang lahat.

Pero sa ikalawang session noong nakaraang taon, nalaman ni Jaymee na hindi talaga doktor si Jermon matapos umamin ang huli.

Ilang buwan matapos nito, napansin na ni Jaymee na mula sa pamumula, naging kulay violet ang discoloration sa kaniyang puwitan.

Dahil dito, kumonti ang oportunidad ni Jaymee sa modelling matapos pumalpak ang kaniyang butt enhancement procedure.

Ayon kay D. Oro Ricardo Galvez Quiñones, hindi hydrogel ang itinurok kay Jaymee kung hindi silicone oil na ginagamit bilang lubricant o choking material sa mga gulong.

"Ang effect niya sa skin, kina-clog niya 'yung pores. 'Pag na-clog 'yung pores walang hydration, walang water na pumupunta, nagiging dry, dull, madungis. Eventually magkakaroon siya ng sensitivity," sabi ni Dr. Quiñones.

Si Cherry Adler naman na nasa Nevada sa Amerika, nagkabukol-bukol ang noo at hindi nagpantay ang baba dahil sa maling itinurok sa kaniyang mukha ng isang licensed umanong Pilipinong medical assistant sa Dubai.

Kailangang dumaan sa multiple sessions si Cherry ng pagtuturok ng collagen umano para makuha ang kaniyang "younger-looking skin."

Pero matapos ang lagpas anim na buwan, nagkabukol-bukol na ang kaniyang noo at mukha nang tumigas ang itinurok na "collagen."

Napag-alaman ni Cherry na sinampahan na pala ng kaniyang mga kaibigan ang doktor.

Alamin ang buong kuwento nina "Jaymee" at Cherry at kung may lunas pa sa kanilang mga pumalyang pagtuturok. Mahuli rin kaya ang mga nanloko umano sa kanila? Panoorin ang video.

--FRJ, GMA News