Matapos ang breakup sa kaniyang Israeli boyfriend nitong nakaraang taon, sinagot ni Rhian Ramos ang tanong kung handa na ba siyang magmahal muli. Ano nga ba ang mga katangian na hinahanap niya sa isang lalaki.

Single, ang mabilis na sagot ni Rhian sa "The Boobay and Tekla Show" nang tanungin sa kaniyang relationship status ngayon.

Pero kung available ba siya, "hindi rin" ang kaniyang naging tugon.

"First of all, lahat naman ng breakup talagang mahirap. At saka dapat kung nahirapan ka sa isang breakup, dapat ika-proud mo 'yon kasi ibig sabihin binigay mo talaga at nagmahal ka nang totoo," paliwanag ng aktres.

Sinabi ni Rhian na naka-move on na siya sa kaniyang nakaraang relasyon. "So that being said, oo, move on na."

Ayon kay Rhian, may lagpas isang taon din na nagtagal ang relasyon niya sa kaniyang ex na Israeli na si Amit Borsok.

"I think lahat ng life stage naman may matututunan ka doon. Pero it's usually not parang may natutunan ka about someone else. Mas marami kang natututunan sa sarili mo, mas nagiging klaro kung ano 'yung gusto mo sa buhay, how you like to be treated, 'yung mga ayaw mo."

Dahil dito, natanong ng TBATS hosts kung handa na bang muling umibig si Rhian.

"Well, oo pero hindi. Hindi ko siya dream, hindi ko siya goal. Pero kung may dumating tapos kung feeling ko galing naman siya kay Lord, okay lang," saad niya.

Inihayag naman ng aktres ang katangian na hinahanap niya sa isang lalaki.

"Una matalino, funny, dependable," paliwanag niya. "Para bang maaasahan. Kasi siyempre, lalo na 'yung recently lang, ang daming nangyari sa mundo. You should feel [comfort], [secure]." --FRJ, GMA News