Natawa si Andrea Torress sa birong hirit ni Sef Cadayona na tila may pinapatamaan nang sabihin na, "Malaki lang ang katawan mo pero 'di mo 'ko kayang patumbahin."

Bago ang guesting ni Andrea sa "The Boobay and Tekla Show" nitong Linggo, naunang naging bisita sa programa noong nakaraang buwan si Sef, na dating naugnay sa aktres.

Dahil single na uli si Andrea matapos ang breakup kay Derek Ramsay, tinanong ng hosts ng programa si Sef kung liligawan ba niya uli ang aktres.

Napabuntong-hininga muna si Sef at saka natatawang sinabi na, “Parang puwede ko nang sabihin, 'Malaki lang katawan mo pero hindi mo ako kayang patumbahin.'”

Nang ipanood kay Andrea ang naturang interview, natawa ang aktres.

Sinabi ni Sef na naturang interview na "reconnect" at hindi ligaw ang puwede niyang gawin kay Andrea.

Magkaibigan na raw sila ngayon ni Andrea at mayroon na rin silang komunikasyon.

Kinumpirma naman ni Andrea na pagiging magkaibigan nila ngayon ni Sef.

"May time na matagal kaming hindi nag-usap pero ngayon okey na," pag-amin ng aktres.

Nagkakausap daw sila minsan ng aktor kung may nakikita na kung ano-ano o kaya naman ay kung may itatanong ito.

Pero wala na raw kung ang nakaraan nila ang pag-uusapan.

Inihayag din ni Andrea sa naturang panayam na hindi na siya nagbibigay ng second chance sa isang relasyon na nagtapos na.

Samantala, inihayag naman ni Andrea kung sinong Kapuso actor ang crush na crush niya noong nagsisimula pa lang siya bilang host.

Katunayan, hiniling daw niya noong siya ang ipadala sa set visit para mag-cover kung ang aktor ang pupuntahan.

Alamin sa video kung sino ang aktor. Panoorin.

--FRJ, GMA News