Bagaman walang pormal na pag-amin noon na nagkaroon sila ng relasyon ni Andrea Torres, natanong si Sef Cadayona kung liligawan ba niyang muli ang aktres?

Sa programang "The Boobay and Tekla Show," sinabi ni Sef na hindi niya masabing liligawan pero maaari umano ang "reconnect."

"Puwedeng reconnect pero happy naman kami ngayon as friends," sabi ng host ng "Games of the Gens."

Idinagdag ni Sef na nakapagkukuwentuhan naman sila ni Andrea paminsan-minsan.

Pero may natatawang komentaryo si Sef sa unang bahagi ng tanong nang sabihin niya na, "Malaki lang ang katawan mo pero 'di mo ko kayang patumbahin."

BASAHIN: Andrea Torres, handa na bang umibig muli?

Tanong tuloy ni Boobay kung may pinapatamaan ba si Sef.

Nobyembre noong nakaraang taon nang maiulat ang hiwalayan nina Andrea at Derek Ramsay.

Kamakailan lang ay inamin nina Derek at Ellen Adarna ang kanilang relasyon.

Samantala, nasalang din sa mainit na tanong ang co-host ni Sef sa "Games of the Gens" na si Andre Paras tungkol sa aktres na kaniyang niligawan. --FRJ, GMA News