Larawan ng isang mabuting kabiyak at ina si Rufa Mae Quinto sa kaniyang mag-ama na sina Trevor Magallanes at  Baby Athena sa Amerika. Pero may plano pa ba siyang bumalik ng Pilipinas at sa showbiz?

Sa programang "Tunay Na Buhay" ni Pia Arcangel, ipinasilip ang buhay ng aktres sa Amerika na siyang nag-aasikaso sa kanilang bahay at sa kaniyang anak.

Siya daw ang gumagawa ng mga gawaing bahay at natuto na rin siyang magluto.

Napag-alaman na wala sa plano ni Rufa Mae na magtagal sa Amerika nang magtungo siya roon noong nakaraang taon.

Katunayan, may gagawin daw siyang proyekto sa GMA network nang panahong iyon at dalawang linggo lang ang plano niyang pananatili sa Amerika para sa kaarawan ng anak.

Pero ilang araw lang pagdating niya sa Amerika, nagpatupad na ng lockdown dahil sa COVID-19 pandemic at hindi na siya umalis pa.

Paglilinaw naman ng aktres, uuwi pa rin siya sa bansa at plano niyang gawin ito ngayon taon.

Katunayan, mayroon daw siyang bagong bahay sa Pilipinas na hindi pa niya muling nakikita.

Kasabay nito, nagkuwento rin si Rufa Mae ng mga kataningan ni Athena na tila namana sa kaniya. Papayagan niya kaya ang anak na pumasok din sa showbiz?

Alamin ang tugon ng aktres sa video ng "Tunay Na Buhay."

--FRJ, GMA News