Inihayag ni Miss Universe Philippines Rabiya Mateo kung sino ang kaniyang celebrity crush.

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, inihayag ni Rabiya sa isang meet-and-greet sa Amerika ang paghanga niya kay Kobe Paras.

“I know nothing about basketball pero nanood talaga ako ng UAAP (University Athletic Association of the Philippines) para makita siya,”kuwento niya.

“Kahit hindi ko naiintindihan yung mga nangyayari hinahanap ko si Number 6," natatawang sabi ni Rabiya patungkol sa numbero ng jersey ni Kobe.

Dating naglaro si Kobe sa koponan ng University of the Philippines sa UAAP.

Noong nakaraang buwan, nakapasok si Kobe sa East West Private, ang kompanyang nangangasiwa sa kapwa Pinoy basketball player na si Kai Sotto na nasa Amerika.

Sa naturang panayam, inihayag din ni Rabiya na plano niyang pumasok sa showbiz, at nais niyang subukan ang horror movie.

Kabilang sa mga nais niyang makatrabaho sina Dingdong Dantes, Maricel Soriano, at Vilma Santos.

Sa Hulyo planong umuwi ng Pilipinas si Rabiya. – FRJ, GMA News