Inihayag ni Miss Universe Philippines 2020 Rabiya Mateo ang tunay na kalagayan ng relasyon nila ng nobyong si Neil Salvacion sa harap ng usap-usapan ng kanilang paghihiwalay.

Inilarawan ni Rabiya sa panayam ni Boy Abunda nitong Linggo na “komplikado" ang sitwasyon nila ngayon ni Niel.

“We need to talk about things when I go back to the Philippines, but we’re friends. I still try to contact him but we need to have this space together as of the moment,” ayon kay Rabiya.

“But I’m not closing any doors. We’ve been in this kind of situation before. We’ve been together for seven years now. Who knows?” dagdag niya.

Nilinaw din ni Rabiya na walang kaugnay ang pagkikita nila ng model na si Andre Brouillette sa Los Angeles, sa nangyayari sa relasyon nila ni Niel.

“Nahihiya ako kay Andre. It’s because yung photos na kumalat, that was the third time that I was able to talk to him,” anang beauty queen. “He’s a nice guy.”

Unang lumitaw ang mga espekulasyon na hiwalay na ang dalawa nang mawala sa Instagram account ni Niel ang mga larawan nila ni Rabiya.

Kasunod nito ay tila nagpahayag naman ng paglilinaw si Rabiya nang mag-post siya ng larawan nila ni Andre at nilagyan niya ng hashtag na “friends” at “not available.”

Nagkomento pa si Rabiya sa isang larawan na pinost ni Niel habang nagpapaaraw sa beach.— FRJ, GMA News