Ipinasilip na ang dambuhalang "buwaya" na si "Dakila" na mapapanood sa upcoming GMA series na "Lolong," na pagbibidahan ni Ruru Madrid.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing si Dakila ay isang animatronic crocodile na may habang 22 talampakan.

Gawa sa fiberglass ang katawan nito at silicone skin.

Mapapagalaw ang bibig at buntot ni Dakila sa pamamagitan ng pneumatic technology at air compressor.

Bukod sa pagiging animatronic, gagamitan din ng computer-generated imagery (CGI) si Dakila para maging makatotohanan ang kaniyang bawat eksena.

Labis naman ang pasasalamat ni Ruru na siya ang napiling maging bida sa serye kasama si Dakila.

"Talagang ibubuhos ko lahat dito sa proyekto po na ito para po mapaganda natin lahat," anang aktor.

Ipinasilip din ang kauna-unahang teaser ng inaabangang adventure-serye. Panoorin sa video.

—FRJ, GMA News