Dalawang hinihinalang miyembro ng robbery-kidnap group ang napatay sa pakikipagbarilan sa mga awtoridad sa Southern Luzon Expressway sa bahagi ng Calamba, Laguna. Nakuha sa van ng mga napatay ang mga pera at ID ng pulis.

Sa spot report mula sa Laguna police, sinabing nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga operatiba ng Metro Manila police Anti-Carnapping laban sa mga suspek na sakay ng puting van dakong 2:10 p.m, na umabot sa SLEX sa Calamba.

Pinaputukan umano ang mga suspek ang mga awtoridad na naging dahilan ng shootout na ikinamatay ng dalawa.

 

 

Nagdulot din ito ng matinding pagbigat ng daloy ng trapiko sa South bound.

Isinagawa umano ng mga awtoridad ang operasyon matapos silang makatanggap ng impormasyon na may Chinese na dinukot sa Parañaque City.

Ayon kay GMA News stringer Robert Maico, tadtad ng tama ng bala ang puting van na nakatigil sa highway.

Sa tweet ni DZBB reporter Luisito Santos, makikita ang pera at ID ng pulis na nakuha sa sasakyan ng mga suspek.

Patuloy ang imbestigasyon sa pagkakakilanlan ng mga napatay na suspek. —FRJ, GMA News

Tags: