Saksak ang inabot ng isang lalaki matapos na gisingin umano sa sampal ang kaniyang natutulog na kapatid na galing sa inuman sa Sinait, Ilocos Sur.

Sa ulat ni Ivy Hernando ng GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Huwebes, sinabing batay sa imbestigasyon ng pulisya, magkasama sa pakikipag-inuman ang magkapatid na Emil at Stephen Prades ng Barangay Pug-os.

Nauna umanong umuwi si Emil para matulog na.

Kasunod nito ay dumating si Stephen na mayroon umanong patalim at sinampal si Emil.

Sa galit ni Emil, inundayan niya ng saksak sa tiyan si Stephen.

Dinala sa ospital si Stephen na nagpapagaling na sa tinamong sugat, habang sa presinto naman ang bagsak ni Emil.

Sinabi umano ni Emil sa pulisya na napuno na ito sa kapatid dahil sa laging ginagawa ito sa kaniya at hindi niya alam kung bakit.

Idinagdag ng pulisya na tila hindi na interesado ang si Stephen na sampahan ng kaso ang kapatid na bunga lang umano ng hindi pagkakaintindihan.

Walang pang pahayag ang magkapatid.--FRJ, GMA News