Nagsilbing inspirasyon si Rosemarie Vega sa mga kababaihan sa iba't ibang panig ng mundo matapos niyang tapusin ang ugnayan kay Big Ed sa "90-Day Fiancé."

Sa panayam sa kaniya sa GMA Digital, natanong si Rose kung ano ngayon ang hanap niya sa isang lalaki matapos ang kaniyang karanasan.

"For me po ang hinahanap ko na po talaga sa lalaki is, unang-una, respeto," saad niya.

"Respeto talaga po ang pinakahinahanap ko. Respeto sa lahat ng kababaihan, respeto sa anak ko, respeto sa pamilya ko, respeto po sa pinanggalingan kong bansa, tsaka respeto na rin po sa akin," dagdag ni Rose.

Mas nakilala pa ni Rose sa "90-Day Fiancé" ang kaniyang American fiancé na si Ed Brown matapos niya itong makita online.

Nalaman ni Rose kinalaunan na hindi nagsabi ng totoo si Ed tungkol sa kaniyang tangkad at hitsura.

Nabigo rin ang lalaki na sabihin agad kay Rose na ayaw na nitong magkaroon pa ng mga anak, bagay na mahalaga kay Rose.

Ikinagalit din ng fans ang naging pagtrato ni Ed kay Rose bilang partner, at kung paano ito nag-react nang patuluyin siya sa tahanan ni Rose at ipakilala sa pamilya at mga kaibigan ng dalaga sa Pilipinas.

Pero bilang isang single mother na naghahangad ng mas magandang buhay para sa kaniyang anak na si Prince, tinuldukan na niya ang relasyon niya kay Ed.

Sa kaniyang interview kay Dr. Anna sa "Share Ko Lang," masayang ibinahagi ni Rose na naka-move on na siya kay Ed.

Sa pag-usbong ng kaniyang career bilang isang vlogger at influencer, sinabi ni Rose na hangad pa rin niyang magkaroon ang kaniyang anak ng magandang buhay, at itrato nito ang mga kababaihan na may respeto.

"For me, ang gusto ko po kay Prince, lalo na at babae po ako, is kung paano niya po ako ginagalang bilang babae, ang mama niya, ganun din po siya sa paglaki niya," ani Rose.

"Respectful to women, to their families, and be a gentleman," dagdag niya. --FRJ, GMA News