Sa "Tunay Na Buhay," binalikan ni "Tsong" Joey Marquez ang mga babaeng nagpatibok sa kaniyang puso at naging parte ng kaniyang buhay. May mensahe rin ang aktor para sa kanila.

Ang mga babaeng ito ay sina Alma Moreno, Kris Aquino, Alicia Mayer at ang kasalukuyan niyang partner na si Malu Quintana.

Ayon kay Joey,  dalawang taon na naging magkasama sila ni Alicia, na dati ring aktres.

"Wish ko na sana happy siya kasi marami kaming napagsamahan na maganda," ani Joey kay Alicia.

Mensahe naman niya para kay Kris, "Sana maging happy siya ngayon. Kasi may pinagsamahan din kami kahit papaano."

Tungkol kay Alma, may halong biro ang kaniyang mensahe.

"Mukhang masarap ang mga kinakain mo. Konting jogging naman para healthy ka," anang aktor.

Para kay Joey, si Malu na ang babaeng nais niyang makasama sa habambuhay.

"Sabi nila, to be able to have a perfect partner, you have to choose the right one. I have found someone that I can stay with forever. Do you wanna stay with me until I get old?" mensahe ni Joey kay Malu.

Inihayag ni Joey na handa na silang lumagay sa tahimik ni Malu, pero wala pa itong petsa.

"Wala pa ngang 'sagot' eh... Well, hindi pa niya ako sinasagot. Parating sinasagot niya, 'We will never get old, we will always stay young,'" kuwento ni Joey tungkol sa tugon sa kaniya ni Malu.

Ayon sa aktor, nag-propose na siya kay Malu noong nakaraang taon. "Wala pa naman [date], kasi may pandemya pa. Siyempre konting ipon ipon pa. Pero lahat sila, payag lahat sila."

Nang tanungin tungkol sa plano nilang magkaanak, "Magiging unfair na sa magiging anak namin, we're too old na eh," ang naging sagot ni Joey.--FRJ, GMA News