Laking gulat ng isang lalaki sa Graz, Austria nang may biglang kumagat sa maselang bahagi ng kaniyang katawan habang nakaupo siya sa inodoro. Nang silipin niya ang inodoro, nakita niya ang isang sawa.

Sa video ng GMA News Feed, sinabing humingi ng tulong sa emergency service unit ang lalaki para mahuli ang sawa na isang albino.

Nang makuha ang sawa, nakitang may haba ito na limang talampakan.

Lumitaw sa imbestigasyon ng mga awtoridad, na ang sawa ay alaga ng kapitbahay ng lalaki at nakatakas.

Posibleng dumaan daw ang sawa sa drain pipes hanggang sa nakarating sa inodoro ng lalaki.

Dinala sa ospital ang lalaki dahil sa tinamong niyang "minor injury."

Ibinalik naman sa may-ari ang sawa pero iimbestigahan siya dahil posibleng napapabayaan niya ang mga alaga niyang ahas na umaabot sa 11.

Hindi makamandag na uri ng ahas ang mga sawa.--FRJ, GMA News