Tila may kasamang kurot sa puso ni Boobay ang ginawang balik-tanaw sa masayang alaala nang minsang umuwi sa Pilipinas para magbakasyon ang kaniyang nobyo na ex na niya ngayon.

Sa programang "Mars Pa More," ipinakita ang isang larawan nina Boobay kasama ang kaniyang ex at ang kanilang mga kaibigan habang nasa Boracay.

Hiniling ng host ng "Mars Pa More," na magkuwento si Boobay tungkol sa naturang larawan.

Ngunit hindi pa man nakakapagkuwento, makikitang tila pinupunas-punasan ni Boobay ang kaniyang mata.

"Ang sakit pala na sinasabing 'Past na ito 'no?' Tapos idinikdik mo pa," biro ni Boobay kay "Mars" Camille.

"Parang pina-realize mo sa akin na past na nga pala," dagdag niyang biro na tila may hugot.

Ngunit hiniritan pa si Boobay ng close friend niyang si Pepita, na kapwa niya guest sa programa.

"Ay, feeling makaka-relate si 'Mars' Iya kasi pareho silang taga-Australia," sabi ni Pepita, na ikinatawa ng set.

Kalaunan, ipinaliwanag ni Boobay ang mga eksena sa naturang masayang larawan.

"Kasi parang pangalawang beses pa lang niyang umuuwi from Australia. So February 'yan, Valentine's last year (2020) bago pa mag-lockdown o bawal ang lumipad," anang komedyante.

"Sabi ko, maganda 'yata maging mas memorable 'yung uwi niya rito para siyempre, I'm sure nabo-bore siya roon sa Australia. Something alam mo 'yun, elegant ba na bakasyon," pagpapatuloy ni Boobay.

Ayon kay Pepita, si Boobay ang sumagot sa lahat ng gastusin ng kaniyang kaibigan.

"Worth it naman 'yung nangyari kasi 'di ba nag-enjoy 'yung mga friends ko," sabi ni Boobay.

Pero biro ni Pepita, "Naisip mo ba na itong tawa na ito ay hindi na pala mauulit?"

Kinumpirma kamakailan ng non-showbiz boyfriend ni Boobay na hiwalay na sila ng komedyante matapos ang siyam na taong relasyon.--FRJ, GMA News