Sa "Tunay Na Buhay," muling binalikan ni Kim delos Santos ang relasyon nila ng dati niyang asawa na si Dino Guevarra, na nauwi sa hiwalayan. Naka-move on na kaya si Kim sa kaniyang nakaraan, at handa na siyang umibig muli?

Matatandaang iniwan ni Kim ang showbiz noong 2004 matapos ang hiwalayan niya kay Dino.

"After naming maghiwalay, my manager, she advised me sabi niya, 'Lumayo ka muna,'" kuwento niya.

Diretsahang tinanong si Kim kung nakakausap pa niya si Dino, at kung bukas pa siya na muli itong makatrabaho.

"Si Dino hindi ko pa siya nakakausap. But I asked one time if I would work with him, I said 'Yeah.' Before, no eh, masama pa ang loob ko. But now, sabi ko, sige if the day comes na if ever there was an offer and I can actually commit to it, I'm fine working with him," ayon kay Kim.

Pag-amin ni Kim, may parte sa kaniya noon na hindi pa talaga siya handa sa pag-aasawa, nang magpakasal sila ni Dino.

"We were both young when we got married. I was 20, he was 21 or 22, two years yata ang gap namin. So we were both kids. I was young, in love and hindi pa ready, sa totoo lang. At that stage where you that think you know everything but you really don't know nothing," saad niya.

Apat na taon nang single, isa na ngayong dialysis nurse si Kim sa Texas, U.S.A., at nag-aaral para maging psychiatric nurse practitioner.

"'Pag may dumating, 'Thank you Lord!' Pagka hindi, hindi mo hahanapin kasi, I'm okay. After ko sa ex-husband ko, I was single for only about one year tapos nagka-boyfriend and then after ng boyfriend nagka-fiancé," ani Kim.

Sampung taon sila ni Kim at ng kaniyang fiancé, pero hindi sila nauwi sa kasalan.

"Then I concentrated on myself. So nag-self love muna ako. So now kung may dumating, ready na ako," lahad niya.-- FRJ, GMA News