Inihayag ni Leandro Baldemor ang kaniyang pasasalamat kay Priscilla Almeda na pinili siya para maging leading man sa ilang sexy films noong '90s. Handa kaya silang muling magkatambalan para sa isang showbiz project?

Sa "Mars Pa More," nagkaroon ng virtual reunion sina Priscilla at Leandro, na nagkasama noon sa mga pelikulang "Sariwa" (1996) at "Tukso Layuan Mo Ako 2" (1996).

"Malaki ang utang na loob ko kay Priscilla. 'Yung gagawin niyang pelikula na pagbibidahan niya noon, ako 'yung napili niya. Kaya nagpapasalamat ako dahil sa dami ng leading man, tapos noong nagkita kami, sabi ni Boss Robbie (Tan ng Seiko Films), natatandaan ko pa eh, 'Abby (tunay na pangalan ni Priscilla), okay ba sa'yo si Jeff (tunay na pangalan ni Leandro), ito ang magiging leading man mo?' Sabi niya (Priscilla) 'okay.' Kaya talagang nagpapasalamat ako," kuwento ni Leandro.

"Kung hindi dahil sa'yo siguro wala ako sa showbiz ngayon," dagdag ni Leandro.

"Noong na-meet ko si Jeff, he's super bait, so down to earth and good-looking guy and so clean! So I'm like 'Yes, yes!'" kuwento naman ni Priscilla.

"I've been lucky na puro gentlemen 'yung kaeksena ko pero si Jeff love ko 'yan, he's the best," dagdag ni Priscilla. – Jamil Santos/RC, GMA News