Inihayag ni Patrick Garcia si Anne Curtis ang unang babae na nambasted sa kaniya.

“Unang nambasted sa ‘yo?” tanong ni Tito Boy Abunda kay Patrick sa Fast Talk segment ng “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Miyerkoles.

“Si Anne Curtis!” natatawang tugon ng aktor.

“Matagal na ito, mga 1999 pa ito,” paglilinaw ni Patrick sa panayam sa kaniya ng King of Talk.

“Ngayon ko lang sinabi ito, sorry guys,” sabi pa niya.

Tungkol naman sa babaeng kaniyang unang niligawan, “secret” ang sagot ni Patrick.

Hindi rin daw siya niligawan ng babae, at hindi rin siya nakipag-date sa isang fan.

Ayon kay Patrick, ang kaniyang pamilya ngayon ang kaniyang prayoridad, at mailalarawan niya ang sarili bilang isang “dedicated” na ama at “loving” na asawa.

Kasal na si Anne kay Erwan Heussaff mula pa noong 2017.

May isa silang anak na si Dahlia Amélie, na isinilang ni Anne noong 2020.

Kasal naman si Patrick kay Nikka Martinez, at meron silang apat na anak na sina Michelle Celeste o Chelsea Nicola Patrice (2016), Francisca Pia (2017), at bunsong si Enrique Pablo, na isinilang noong Hulyo 14, 2021.

May isang anak din si Patrick kay Jennylyn Mercado na si Alex Jazz. -- FRJ, GMA Integrated News