Nabulabog ang mga tao sa public transport integrated terminal sa Tagum City nang biglang manghabol ng taga ang isang lalaking mayroon umanong diperensiya sa pag-iisip.

Sa ulat ni Rgil Relator sa GMA Regional TV News nitong Miyerkules, ipinakita ang video na kuha ng isang pasahero ng bus.

Sa video, makikita ang isang lalaki na armado ng bolo habang hinahabol at tinangkang tagain ang isa pang lalaki.

Muntikan nang abutin ng taga ang hinahabol na lalaki na mapalad na nakaligtas.

Isang lalaki naman na may hawak na silya ang nagtangkang labanan ang lalaking may hawak na bolo. Pero nang ihagis niya nang todo-lakas ang silya, ang paa lang nito ang tumilapon.

Dito na muling tumakbo ang lalaking armado ng bolo, at dumami naman ang mga tao na humabol sa kaniya.

Ayon kay Police Major Joselito Tan Jr., hepe ng Tagum City-PNP, pinapayapa ng mga tao ang lalaki na may hawak ng bolo nang bigla nitong habulin ng taga ang lalaki na nakita sa video.

Rumesponde naman ang mga tauhan ng Security Management Office ng terminal at naaresto nila ang lalaking may bolo na itinago sa pangalang "JR."

Ayon kay Tan, nagpaputok ng shotgun paibaba ang SMO at nasugatan sa tama ng shrapnel sa paa ang suspek.

"Pagpaputok ng mga SMD natin, doon nagising or natauhan itong si Alyas JR at tsaka sumurender," sabi ni Tan.

Naka-confine ang lalaki sa ospital na mahaharap sa reklamong alarm and scandal.--FRJ, GMA News