Sa biglang pagpanaw ni Mahal, Noeme Tesorero sa tunay na buhay, ibinahagi ni Mygz Molino sa Youtube video ang mga huling araw ng aktres, at ang matinding kalungkutan nito dahil sa pagpanaw ng ama.

Si Mygz ay espesyal na kaibigan ni Mahal, at kabilang sa mga kasama ng aktres nang pumanaw ito sa Batangas noong nakaraang buwan.

Ayon kay Mygz sa vlog, labis na dinamdam ni Mahal nang pumanaw ang ama nito na si Romy Tesorero ilang linggo lang ang nakalilipas bago binawian ng buhay ang aktres.

Tulad ni Mahal, nagpositibo rin sa COVID-19 ang kaniyang ama.

Sabi ni Mygz, naging matamlay si Mahal nang mawala ang kaniyang ama.

"Masyado niya pong dinamdam 'yung pagkawala ng papa niya," ani Mygz. "Naging matamlay po siya.

Noong Agosto 25, nagkaroon ng ubo si Mahal at nasundan ng lagnat.  Pagsapit ng Aug. 31, nakaranas ng hirap sa paghinga si Mahal habang nasa ospital .

Matapos ang ilang oras na paghahanap sa gamot, sinabi ni Mygz na kinausap siya ng duktor tungkol sa kalagayan  ni mahal.

"Nagsabi yung doktor na 50-50 na si Mahal. That time, lutang na ko. 'Di ko alam nangyayari. Ayoko mag-isip ng negative so hindi ko muna pinakinggan 'yung sinasabi ng doctor," saad niya.

"Sabi ko, 'Sana maka-survive si Mahal. Sana maging OK si Mahal," patuloy ni Mygz.

Doon umano niya nalaman na mayroon severe acute respiratory distress syndrome (ARDS) si Mahal, na "secondary" sa pagkakaroon niya ng COVID-19.

Ilang oral lang ang nakalipas, pumanaw na si Mahal.

"Ang bilis [ng mga pangyayari]," ani Mygz.

Naniniwala si Mygz na masaya na si Mahal dahil kapiling na niya ang kaniyang ama.

"Alam ko na masaya ka na ngayon. Kasama mo na si Papa," ayon sa binata. "Gusto ko lang magpasalamat sa binigay mo na kasiyahan sa mga araw, sa mga panahong kasama kita. Salamat."

Ayon kay Mygz, mahirap para sa kaniya ang magpaalam kay Mahal, kasabay ng pagsariwa niya sa mga sandaling magkasama sila.

"Paalam, Mahal," saad niya. "Sa isang iglap, 'di na kita mahahawakan at maririnig ang iyong munting halakhak na siyang nagbibigay saya hindi lang sa akin kundi sa lahat ng iyong mga supporter."

"Mahal na Mahal kita [at] ng Molino family. Pahinga ka na," dagdag niya.

Pumanaw si Mahal sa edad na 46-anyos.

Sa isang episode kamakailan ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," nilinaw ng mga kapatid ni Mahal na wala silang hinanakit kay Mygz. —FRJ, GMA News