Sinagot ng 20-anyos na si Faith Da Silva ang tanong tungkol sa bali-balitang nagkakamabutihan sila ni Albert Martinez, 60-anyos, na katambal niya "Las Hermanas." Dati na rin kasing sinabi ni Faith na pagdating sa pag-ibig--age is just a number.

"Isang deretsahang tanong may kumakalat na tsismis tungkol sa inyong dalawa [ni Albert], ano ang reaction mo?," tanong ni Boobay kay Faith, na naging bisita nila sa "The Boobay and Tekla Show" nitong Linggo.

"Nagulat ako because nung nakita ko yung news na 'yon, nung nabasa ko, ongoing pa yung lock-in taping namin. So nagulat ako. But it's not like I didn't expect it, kasi with our roles, magiging partner ko siya," saad ng young actress.

"Siguro nakita ng mga tao na we're comfortable with each other," patuloy niya.

Sinabi rin ni Faith na napag-usapan nila ni Albert ang naturang isyu pero hindi nila sineryoso.

"Napag-usapan namin pero in passing lang. Hindi siya yung seryosohan talaga. Parang pinagbibiru-biruan lang namin. Tuksu-tuksuhan lang," paliwanag niya.

"Para sa aming dalawa naman kasi professional lang lahat. Walang ilangan," saad pa ni Faith.

Sa isang panayam noong Hunyo, sinabi ni Faith na walang kaso sa kaniya na makipagrelasyon sa isang lalaking mas matanda sa kaniya.

"For me, wala din naman kasi akong pakialam sa age. For me age is just a number," ayon kay Faith sa Kapuso Showbiz News.

Samantala, sinabi naman ni Faith kina Boobay at Tekla na nagulat ang kaniyang ina nang malaman ang tsismis tungkol sa kanila ni Albert.

"Si mama medyo nagulat siya, pero since alam naman namin ano ang totoo, hindi dapat mag-worry ang mga tao," aniya.

Puro mabubuting salita naman ang binanggit ni Faith tungkol kay Albert dahil sa ginawang pag-alalay sa kaniya sa kanilang TV series.

Taong 2015 nang maging biyudo si Albert matapos pumanaw sa sakit na cancer ang kaniyang kabiyak na si Liezl Martinez. — FRJ, GMA News