Matapos mag-viral at pag-usapan ang matinding backhand slap na ipinatikim ni Gina Alajar sa "Nagbabagang Luha," inihayag ni Claire Castro na gusto niya ring magpasampal kay Cherie Gil.

Sa isang online interview sa press nitong Miyerkules, sinabi ni Claire, na idolo niya ang beteranang aktres at ituturing na blessing ang makaeksena at masampal siya ni Cherie.

"Isa siya sa magagaling na kontrabida and it would be an honor na masampal ni Ms. Cherie Gil," anang Kapuso newbie actress.

Nang tanungin kung mas pipiliin niyang masampal o manampal ng isang co-actor, sinabi ni Claire na mas gusto niya ang una.

"Mas masaya 'yung ikaw 'yung sinasampal kasi nagigising ka po," saad niya.

Sa isang eksena ng “Nagbabagang Luha” na nag-trending kamakailan, binigyan ni Gina ng impromptu na backhand slap si Claire, na ikinagulat ng mga nasa set.

Bukod dito, kinaladkad din ni Gina si Claire, isinubsob ang mukha niya sa isang cake, at nagbuhos ng likido sa kaniyang ulo kasunod ng pagbubunyag ng kataksilan ng karakter niyang si Cielo.

Sa kabila ng lahat ng naranasan niyang sakit, sinabi ni Claire na na-enjoy niya ang mga eksena at ikinokonsidera itong isang karangalan.

Ang "Nagbabagang Luha" ay base sa 1988 film ni Ishmael Bernal ng parehong titulo, na pinagbidahan noon nina Lorna Tolentino, Alice Dixson, Gabby Concepcion, at Richard Gomez. --FRJ, GMA News