Namangha ang netizens dahil hindi lang isa, kundi limang lisensya mula sa Professional Regulation Commission (PRC) ang mayroon ang 50-taong gulang na si Apollo Pablo Zantua.

Lisensyadong guro, master plumber, registered mechanical, electrical at civil engineer ang tubong Camarines Norte na si Zantua na kasalukuyang naninirahan sa Taguig.

Kuwento niya, naipasa niya ang apat sa mga PRC board exams na kaniyang kinuha sa loob lamang ng anim na buwan. Nagagamit niya ang mga ito bilang isang university professor.

Bukod pa rito, nagdidisenyo rin si Zantua ng mga engineering plan para sa pagpapatayo ng mga istruktura. Mayroon din siyang apat na instructor license mula sa Japan.

"I was too curious and interested in engineering that I don't really need a degree or license to self-study it. So, find your own interest and challenge yourself by setting a goal," dagdag niya.

Hindi rin daw naging madali ang kaniyang mga pinagdaanan, lalo na sa board exams. Pero ang kagustuhan niyang matuto ang naging puhunan daw niya para maaabot ang mga ito.

"Kung gusto makapagtapos ng maraming degree, tapusin muna ang isa, then go to the next and so on. I always tell my students, you don't need intelligence to be an engineer. You need commitment," kuwento ni Zantua.

Mayroon din siyang free tutorial videos sa kaniyang YouTube channel para sa mga nais matuto. —KG, GMA News