Mula sa Nueva Ecija ang solong tumama ng mahigit P20 milyon sa Mega Lotto 6/45 draw noong Enero 14, 2022.

Ayon sa Philippine Charity Sweepstakes Office, nagtungo na sa kanilang tanggapan ang lucky winner na lalaki.

Kasama umano ng lalaki ang kaniyang asawa nang magtungo sa main office ng PCSO sa Mandaluyong.

Ang winning combination ng mga numero ay 24-31-20-17-13-18, at may kabuuang premyo na P20,212,102.00.

 


Ayon sa lalaki, 24 na taon na siyang tumataya sa lotto, at ang nanalong numero ay mga alaga umano ng kaniyang mga magulang.

Naisipan daw niyang patuloy na tayaan ang mga numero dahil sa paniwala niyang magbibigay ito sa kaniya ng suwerte.

Planong gamitin ng lalaki ang napanalunan para ipambayad sa nakasanglang lupa at magtatayo ng negosyo. --FRJ, GMA News