Dahil sa pagkakabuntis, hindi nakapagtapos ng kolehiyo si D. Vilna. Mula noon, hindi pa siya nakakahingi ng paumanhin sa kaniyang mga magulang kahit nakapagsilang na siya.

Sa isang episode ng "Eat Bulaga," kabilang si D. Vilna sa mga naging guest sa segment na "Bawal Judgmental."

Kuwento niya sa mga dabarkads, iskolar siya nang mabuntis siya habang nasa first year sa kolehiyo.

Nairaos naman niya ang first year pero hindi na siya nakapagtapos ng kolehiyo matapos maging ina.

Nang maging mommy, marami raw natutunan si D. Vilna katulad sa pagiging masinop sa paggastos.

Ngayong 23-anyos na, inamin niya sa mga dabarkads na hindi pa siya nakakahingi ng paumanhin sa kaniyang magulang sa nangyari.

Dito na siya pinayuhan ng mga dabarkads na kahit maayos naman na ang lahat sa kanila, maganda pa rin na makapag-sorry siya para na rin sa ikagagaang ng kaniyang kalooban.

Kaagad na naging emosyonal si D. Vilna.

"Ma, sorry po kung maaga akong nabuntis at hindi po ako nakapagtapos ng pag aaral. Kung ano po yung pangarap niyo para sa akin," saad niya.

"Pero kapag ok na po ang lahat plano ko pa rin naman na makapagtapos ng pag aaral. At sorry po kung na-disappoint ko po kayo dati," patuloy niya.

Pinapangako rin si D. Vilna ng mga dabarkads na babawi sa kaniyang mga magulang.

"Yes po," sagot niya.


--FRJ, GMA News