Pinagsasaksak habang natutulog ang isang 44-anyos na ginang sa loob ng kaniyang bahay sa Negros Occidental. Ang suspek, mismong anak ng biktima na 17-anyos na babae at ang kasabwat na nobyo nito na 17-anyos din.

Sa ulat ni Adrian Prieto sa GMA Regional TV News nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Tessie Esparagoza, ng Barangay Sag-ang, La Castellana sa Negros Oriental.

Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya na pinagplanuhan umano ng magkasintahan ang pagpatay sa biktima na tutol sa kanilang relasyon.

Bago ang pananaksak, napag-alaman din ng pulisya na unang pinagplanuhan ng dalawa na lasunin ang biktima.

"Binawi niya [biktima] ang babae sa kaniyang nobyo. Kaso lumalaban talaga ang dalagita at ayaw sumama sa mama niya. Kaya siguro siya nagtanim ng sama ng loob at pinagplanuhan nila na patayin si mama niya. Prior niyan ay nag-attempt na rin sila na lasunin ang ina," ayon kay  SSG Erand Gesuan, imbestigador ng La Castellana MPS.

Nitong Martes habang natutulog ang biktima, pinapasok umano ng dalagita sa kanilang bahay ang kaniyang nobyo at pinagsasaksak ang ginang hanggang sa mamatay.

Nagtamo ng mga sugat sa dibdib at kamay ang biktima.

Nasa kostudiya nang social welfare department ang magkasintahan.--FRJ, GMA News