Naka-relate si Rufa Mae Quinto sa pighating naramdaman ng kapuwa niya komedyanteng si Petite nang ikuwento ng huli ang pagpanaw ng dalawang kaibigan na kumupkop sa kaniya nang makipagsapalaran siya noon sa Maynila.

Sa segment na "Iyak-Tawa" sa programang "Mars Pa More," ikukuwento nina Rufa Mae at Petite ang kanilang nakatutuwa at malungkot na karanasan.

Si Rufa Mae, ibinahagi ang mga pagsubok na naranasan niya nang manirahan siya sa Amerika kasama ang anak at asawa.

Aniya, kailangan niyang maging matapang para magawa ang kaniyang tungkulin bilang ordinaryong ina at maybahay sa Amerika.

"Kailangan mong tumapang para alagaan anak mo, lahat ng bills kailangan ikaw mag... alam mo naman dun ikaw lahat di ba?," saad niya. "Nag-driving lesson ako, mahal din ang gatusin sa Amerika ...but anyways, na survive ko 'yon kaya parang wala na lang nangyari."

Natutuwa si Rufa Mae dahil nangyari ito habang lumalaki ang kaniyang anak kaya nakita ng bata ang normal niyang buhay bilang isang ina na nagluluto at nag-aalaga ng anak.

Pero mas masakit kay Rufa Mae ang nangyari sa isa niyang kapatid na pumanaw na dahilan din ng kaniyang pag-uwi.

Kasabay nito ang kaniyang pagbabalik-showbiz.

Nang magkuwento na tungkol sa kaniyang pumanaw na kapatid, tila pinigilan ni Rufa Mae na maging sobrang emosyonal.

Pero bumigay ang aktres nang ikuwento ni Petite ang nangyari sa dalawa niyang kaibigan na pumanaw noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic.

Nais ni Petite na maging "tribute" ang pag-guest niya sa programa para sa mga kaibigan niya na kumupkop sa kaniya noon sa Maynila nang lumuwas mula sa Bicol para magsimula bilang stand-up comedianne.

Kung hindi raw sa dalawa niyang kaibigan, wala raw sanang Petite. Pero labis niyang ikinalungkot na pumanaw ang dalawa noong kasagsagan ng pandemic.

Sa mga panahong iyon, naging mabigat sa kalooban ni Petite na hindi niya natulungan ang mga ito dahil siya man ay naospital, bukod pa sa apektado ang kaniyang trabaho.

Hindi rin niya nakita ang mga kaibigan sa huling mga sandali.

Habang nagdadalamhati si Petite, tila hindi na napigilan ni Rufa Mae ang emosyon sa pumanaw na kapatid.

Pero nang tutulo na ang kaniyang mga luha-- maging ng mga host na si Camille Prats at Kuya Kim Atienza-- may binatawang linya si Rufa Mae na nagpa-atras sa kanilang mga luha, at bigla silang natawa.

Kung ano ang ginawang ito ni Rufa Mae, tunghayan sa episode na ito ng "Mars Pa More." Panoorin ang nakakaiyak at nakakatawang tagpo. --FRJ, GMA News