Aminado si Rita Daniela na hindi planado ang kaniyang pagbubuntis. Nagbigay din siya ng paliwanag na piliing pribado ang tungkol sa katauhan ng kaniyang nobyo.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabi ni Rita na hindi taga-showbiz ang kaniyang nobyo.

"It's my non-showbiz boyfriend," saad ng aktres. "And it's my decision not to share anything about us or him to everybody because he is not a showbiz personality, he's a private person. And our relationship has always been private."

Kahit hindi planado ang kaniyang pagbubuntis, sinabi ni Rita, na masaya siya at buong puso niya itong tinanggap.

Tila timing din daw ang kaniyang pagbubuntis na nagsisilbi niyang inspirasyon ngayon para makita ang kaniyang kahalagahan.

"Am I enough? Was I good? Was I great? That has always been my struggle. But this blessing reminded me na, no I won't feel that anymore," sabi niya.

"Because I will have someone, that whatever I do, I may fail or not. But that someone will see me and he or she will love me with all of his heart," sabi pa ni Rita tungkol sa kaniyang anak.

Bago nito, matatandaang nag-post si Rita ng isang tila teaser na may nakasulat na "Coming Soon" sa Instagram noong Sabado.

Inakala ng kaniyang fans na bago itong proyekto, pero sa All-Out Sundays, inanunsyo ni Rita na buntis siya.

Hinintay daw muna ni Rita na matapos ang kaniyang trimester bago niya ibinahagi ang good news.

"Some things in life na ang sarap na ikaw lang muna, tini-treasure mo 'yung blessing na 'yun, na ikaw lang, ninanamnam mo 'yung good news," sabi ni Rita. --Jamil Santos/FRJ, GMA News