Inilarawan ni Pauleen Luna na "weird," "nakaka-stress," at naging "very smooth" ang relasyon nila ni Vic Sotto. Mula sa pagiging magkatrabaho sa "Eat Bulaga," naging magkaibigan ang dalawa na nauwi sa pag-iibigan.

"Because, tahimik siya eh. And he comes of as suplado," sabi ni Pauleen sa Surprise Guest with Pia Arcangel. "Seven years in the show and I've not have a decent conversation with him."

“As in minsan, kilay-kilay lang. Parang ‘hi,’ ganu'n lang. He is super mysterious and so quiet na like what I said, he comes of as suplado, so parang medyo takot kami sa kaniya,” saad ni Pauleen.

"Superior" pa raw noon ang trato niya kay Vic sa Eat Bulaga bago sila tunay na naging magkaibigan.

“We respect him as our, you know, superior, and I don’t think I need to talk to him. So when we started to talk, it’s kinda stressful,” dagdag pa ni Pauleen.

Kuwento ni Pauleen, una siyang kinausap ni Vic sa e-mail, kung saan nagpalitan sila ng mga larawan mula sa kanilang Singapore trip kasama ang mga kaibigan. Wala rin silang numero ng isa't isa.

“He said ‘Can you send me the photo?’ Sabi ko, ‘I’ll send it to your email.’ Hindi pa naman uso 'yung mga iMessages nu'ng time na ‘yon so sabi ko, ‘Can I get your email?’ That’s where he got my email,” kuwento ng TV host-actress.

“After a while, he emailed me and then parang may nakita siyang billboard ko or something and then he sent it to me, parang ganu'n lang,” ani Pauleen.

Nagpatuloy pa ang palitan nila ni Bossing ng mga mensahe, hanggang sa ibigay na ni Bossing ang kaniyang numero.

"'Hey if you want to talk, here's my number,'" mensahe raw sa kaniya noon ni Bossing. "Na-stress talaga ako nu'n. Sabi ko kay Ate Ruby (Rodriguez), ‘Bakit ganito? Bakit kailangan ko mag-reply?’ And then okay naman pala,” ani Pauleen.

“Friendly friendly lang talaga. I guess we realized we have a lot of things in common.”

"Hindi pala siya artista kumbaga, and then we got along very well,” pagpapatuloy ni Pauleen.

Hindi naman matukoy ni Pauleen kung kailan niya napagtanto na may higit pang namamagitan sa kanila ni Vic.

“Parang sobrang smooth, it’s just really a transition [from] we started to talk to each other more often. And then from going out na group kami, we started going out na kaming dalawa na lang.”

At nang maging magnobyo at magnobya, unang pinagkuwentuhan ni Pauleen si Ruby Rodriguez, na nagsilbing "enabler" para matuloy ang kanilang relasyon.

“Hindi naman sa gustong gusto niya si Vic, pero kaibigan niya talaga si Vic and she knows Vic. I guess maaga pa lang, she saw na 'Bagay ‘tong dalawang ’to' without even them knowing it.’”

Ipinagdiwang nina Vic at Pauleen ang kanilang ikaanim na wedding anniversary noong Hunyo.

Maglilimang taong gulang na ang anak nilang si Talitha Maria sa Nobyembre.-- FRJ, GMA News