Inutusan ng korte sa Muntinlupa si direk Darryl Yap na alisin ang teaser sa pelikula niyang “The Rapists of Pepsi Paloma,” na binanggit ang pangalan ni Vic Sotto. Gayunman, puwedeng pa rin niyang ituloy ang paggawa ng naturang pelikula.

“[F]or having misused the collected data/information by presenting a conversation between two deceased individuals, which cannot be verified as having actually occurred,” saad sa 20-pahinang kautusan ng Muntinlupa Regional Trial Court (RTC) Branch 205, na bahagyang nag-apruba sa writ of habeas data na inihain ni Vic.

Hindi umano maaaring isiwalat ang buong dahilan kaugnay sa utos sa pag-alis sa teaser dahil maaaring mabawasan ang kasabikan ng mga manonood ng pelikula at malagay sa alanganin ang pangunahing aspeto nito.

Sa kabila nito, pinayagan ng korte si Yap na ituloy ang paggawa at pagpapalabas ng pelikula.

“The Court cannot suppress the entire film, as it is based on the life story of Pepsi Paloma where the respondent secured the consent of the mother and brother, derived from public records like newspaper clippings, footage and is protected by artistic freedom and public interest,” saad sa desisyon.

Samantala, sinabi ni Atty. Raymond Fortun, abogado ni Yap, na hindi inutos ng korte ang pagtanggal o pagsira ng umano'y maling datos.

“Other than to take down the teaser, the Decision does not enjoin any act, or deletion, destruction or rectification of erroneous data or information,” mensahe niya sa GMA News Online.

Sa petisyon para sa writ, hiniling ni Vic sa korte na atasan si Yap na alisin at tanggalin ang lahat ng promotional materials, teaser video, at iba pang nilalaman na may kaugnayan sa pelikula, na nagsasaad ng mga personal na impormasyon ng aktor.

Hiniling din niya na atasan ng korte si Yap na itigil ang pagpapakalat ng mga materyales tungkol sa pelikula sa lahat ng platforms.

Ikinatuwa naman ng kampo ni Vic ang desisyon ng korte at umaasang kaagad na aalisin ang kontrobersiyal na teaser.

“Sana ay alisin na agad ang teaser video na ginamit ang pangalan ni Mr. Vic Sotto at tanggalin na din ang anumang promo materials na may pangalan at iba pang sensitive personal information ni Mr. Vic Sotto,” ayon kay Atty. Enrique Dela Cruz, abogado ni Vic.

Sinabi ni Dela Cruz na nakatuon ngayon ang atensiyon nila sa 19 counts of cyberlibel na isinampa nila laban kay Yap.

Sa naturang teaser ng pelikula na may titulong "The Rapists of Pepsi Paloma," binanggit ang pangalan ni Vic at inakusahang nanggahasa.

Dating sexy actress si Pepsi, o Delia Smith sa tunay na buhay, na pumanaw noong 1985 sa edad na 18, tatlong taon matapos niyang sabihin sa korte na hindi totoo ang kaniyang alegasyon na ginahasa siya. -- mula sa ulat ni Joahna Lei Casilao/FRJ, GMA Integrated News