Nagpakita ng katibayan si Maggie Wilson para pabulaanan ang alegasyon umano ng kaniyang dating mister na si Victor Consunji na nagtaksil siya habang nagsasama pa sila.

Sa Instagram post, sinabi ng dating beauty queen at entrepreneur na inakusahan siya ni Victor ng adultery nang magkasama sila ni Tim Connor sa Barcelona.

Hindi umano kasama si Victor sa naturang biyahe dahil pinoproseso pa lang ang kaniyang Schengen visa nang panahong iyon.

Para patunayan na mali umano ang alegasyon, muling ipinost ni Maggie ang Instagram Story na una niyang ipinost 47 na linggo na ang nakararaan.

 


 

Sa naturang post, makikita si Vic at Tim na magkasama sa isang cafe sa Barcelona.

Ayon kay Maggie, La Rose ang pangalan ng naturang cafe.

“This was the only time Tim was present [in] Barcelona with me/us,” sabi ni Maggie.

Sa hiwalay na slide, hindi direktang sinabi ni Maggie kay Vic na ang alegasyon ng adultery, “was one of the basis of getting an arrest warrant for the mother of your son.”

 

 

Una rito, inihayag ni Maggie na nangangamba siya sa kaniyang kaligtasan matapos na "ilegal" na pasukin umano ang kaniyang bahay.

Noong nakaraang Setyembre nang ianunsyo ni Maggie na hiwalay na sila ni Victor. —FRJ, GMA News