Nagtinda naman ngayon sa labas ng studio ng "Eat Bulaga" si Miles Ocampo matapos na hindi na tawagan para makasama muli sa 'Sugod-Bahay' segment. Pero may magandang balita sa kaniya si Bossing Vic Sotto.

Sa episode ng "Eat Bulaga" nitong Biyernes, makikita si Miles na nagtitinda ng kendi at kung ano-ano pa sa labas ng APT Studios sa Cainta, Rizal kung saan ginagawa ang naturang longest running noontime show.

Paliwanag ni Miles, napilitan siyang magtinda sa labas ng APT dahil hindi siya nakatanggap ng tawag para payagang muli na maging crew sa segment na "Juan For All, All For Juan," na tinatawag ding "Sugod-Bahay" o barangayan.

Bago naging crew sa barangayan kung saan nagbitbit siya ng ilaw, TV monitor, at iba pang gawain, nauna nang nagbakasakaling makapasa bilang camerawoman si Miles sa studio ng "Eat Bulaga."

Ginawa ito ni Miles para makabalik sa programa matapos mapatalsik bilang host nang matalo siya sa pasiklaban ng mga dabarkards na "Bida Ex."

Ang magandang balita ni Vic kay Miles nitong Biyernes, may pagkakataon siya bukas [Sabado] para muling maging dabarkads.

"Nag-usap kaming tatlo [Tito Sotto at Joey De Leon], napagdesisyunan naming tatlo na bibigyan ka pa namin ng last chance," ayon kay Vic.

Sa tuwa, napatakbo sa isang rebulto si Miles kung saan daw siya nagdasal.

"Thank you po bossing!," sabi ni Miles.

Payo ni Vic, "Kaya mabuti pa itodo mo na bukas. Ilabas mo na ang mga Dabarkads quality mo. Mag-rehearse kang mabuti. Ngayon pa lang mag-rehearse ka na. 'Wag ka nang matulog hanggang bukas."

Sinabihan din ni Vic si Miles na tigilan na ang mga "knock knock jokes" niya dahil lalo lang daw nababaon ang TV host-actress.

Sa tuwa ni Miles, dali-dali na naman siyang naghanap ng jeep na masasakyan para makauwi na raw at masimulan ang pag-eensayo para bukas. Abangan. -- FRJ, GMA News