Noon pa man, marami na ang nagsasabi sa tindera ng isda sa Bato, Camarines Sur na si Julie Buena, na kamukhang-kamukha niya si Jessica Soho. Kaya si Julie, nakabuo na ng kuwento kung papaano sila nagkalayo ng kaniyang "kakambal" kapag may nagtatanong.

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing nag-viral kamakailan ang larawan ni Julie sa social media nang marami ang makapansin ng malaking pagkakahawig niya sa Kapuso broadcaster.

Kuwento ni Julie, umupo siya noon para magpahinga matapos mapagod sa pagtitinda nang may kumuha pala ng kaniyang larawan, at ipinost sa social media.

Biro ni Julie, kung alam niya na may kukuha pala ng larawan niya, sana raw ay nakapag-ayos siya.

Kahit ang mga bata, napapansin ang pagkakahawig nila ni Jessica kaya tinatanong siya kung kaano-ano niya ang host ng "KMJS."

Ayon kay Julie, sinabi niya sa mga bata na mahirap lang sila noon nang isilang ng kaniyang ina. Dahil hindi sila kayang palakihin nang sabay, ipinaampon si Jessica sa mayaman habang naiwan naman siya sa kaniyang ina na mahirap.

"Natutuwa po ako kasi kamuka ko yung pinakasikat na broadcaster sa tv," ani Julie.

Sa likod ng pagiging kamukha ni Jessica, sa tunay na buhay, nagsisimula ang araw ni Julie ng 4:00 am para mag-abang sa bagsakan ng mga isda para mamili ng kaniyang mga paninda.

Ang mga isda, dadalhin niya sa palengke para ibenta. Kung hindi umano maubos ang paninda, inilalako niya ang mga isda.

Ang pagsisikap ni Julie sa buhay, ginagawa niya para sa kaniyang mga anak.

"Gagawin ko po ang lahat para maitaguyod ko lang ang mga anak ko nang hindi na nila maranasan yung hirap sa buhay na naranasan ko," saad niya.

Sa harap ng pagiging masayahin ni Julie, may mabigat na pagsubok siyang pinagdaanan nito lang Enero nang pumanaw sa edad na 28 ang panganay niyang anak na si Judie dahil sa colon cancer.

Ikinuwento ni Julie, maasikaso, mapagmahal at maarugang anak si Judie na laging sumasalubong sa kaniya pag-uwi ng bahay mula sa pagtitinda.

Kumbinsido rin si Judie sa pagiging magkamukha ng kaniyang ina at ni Jessica. Naniniwala ang namayapa niyang anak na balang araw ay magkikita ang magka-look-alike.

Kaya naman gumawa ng paraan ang "KMJS" upang sorpresahin si Julie upang makaharap si Jessica.

Inimbitahan nila si Julie na lumuwas ng Maynila sa kunwaring para sa taping at magho-host ng isang programa. Ang hindi niya alam, magkikita na sila ni Jessica.

Panoorin sa video na ito ng "KMJS" ang kanilang pagtatagpo. -- FRJ, GMA News