Aminado ang 37-anyos na si Bianca King na hindi madali para sa kaniya ang pagbubuntis kaya hindi siya kaagad makapaniwala nang malaman niyang nagdadalang-tao siya.

Sa panayam sa “Updated with Nelson Canlas” podcast, sinabi ng aktres na bago pa man siya nabuntis ay ikinukonsidera na nila ng kaniyang mister na Ralph Wintle ang in-vitro fertilization fertilization (IVF).

At makaraan ang mahigit isang taon matapos silang ikasal, nabuntis si Bianca sa natural na paraan kaya labis ang kanilang tuwa.

“Mayroon talagang problema," ani Bianca. "Kung ano man yon—I think the part that I'll leave out of the public. But also the frustration is real.”

Patuloy niya, “Pagod is real because when you want something so much, and you're working so hard to get it and you're not getting it, nakakapagod din siya."

Kumukonsulta na raw sila sa duktor para malaman kung ano ang mga puwede nilang gawing paraan kung sakaling hindi siya mabuntis sa natural na paraan.

“Iba kasi 'yong pinagdadaanan ko [from] my husband. I'm the one who does the testing, I'm the one who's experiencing the sadness and the hormones and everything and I couldn't deal with it anymore,” pagbahagi pa ni Bianca.

Ayaw na rin daw kasi ni Bianca na magsayang pa ng panahon dahil na rin sa kaniyang edad.

"If we try parang how much longer pa? One more year? I'll be turning 38 na, so 'yon, pressure,” sabi niya.

Kaya nang minsan na hindi siya datnan ng buwanang dalaw at "positive" ang lumabas sa mga ginawa nilang pregnancy test, sabi ni Bianca, "Ako parang, ‘ha? How is this happening?’ So [I] was in total shock talaga.”

“It was an amazing surprise, I couldn't believe it. We were in shock for weeks,” kuwento pa niya. “It took a while to sink in. Siguro no'ng nakita na namin 'yong heartbeat sa ultrasound, yon na yong [moment na] parang there's really something living inside me. There's a human being growing.”

Nang tanungin kung ano ang reaksyon nila nang malaman na nagbuntis siya sa natural na paraan, sabi ni Bianca, “Ako, I was giggling because I've never experienced that before. But Ralph started shedding tears.”

“Yung pagbubuntis mismo, wala akong like dramatic moment na ‘oh my God buntis ako.’ Hindi ganun. I'm just giggly and happy about it,” dagdag niya.— FRJ, GMA News