Inamin ni Paolo Contis sa programang "Fast Talk with Boy Abunda" na marami siyang nagawan ng kasalanan. Pero bago siya humingi ng tawad sa iba, sinabi ng aktor na kailangan muna niyang patawarin ang kaniyang sarili.

Sa episode ng programa nitong Lunes na pagpapatuloy ng panayam kay Paolo, sinabi ng King of Talk na batay sa pahayag ng ibang tao, itinuturing na mabuting kaibigan ang aktor, mahusay makisama, at maraming mabubuting katangian.

Kaya tinanong ni Tito Boy si Paolo na kung hihingi siya ng patawad, kanino ito at ano ang kaniyang sasabihin?

"Yung kanino, marami 'yon. Hindi puwedeng isa lang," pag-amin ni Paolo.

Pero bago raw niya gawin iyon, sinabi ni Paolo na dapat muna niyang patawarin ang kaniyang sarili.

"I have to forgive first is myself," sabi ni Paolo. "There are days I realised how much I hate myself for doing this, doing that na sana hindi nangyari."

Sa naturang proseso ng pagpapatawad sa sarili, naniniwala ang aktor na iyon ang magiging panahon para magbago at maayos rin ang kaniyang sarili. At susunod na doon na mas matatanggap na siya ng mga taong nagawan niya kasalanan.

Gayunman, kung hihingi umano siya ng patawad ngayon, pinakamahalagang mag-sorry umano siya sa kaniyang mga anak.

"Ang pinaka-importanteng sorry na maaaring kong ibigay is for my kids. Sorry for failing as a father, but I hope they know that I'm trying to be a better person, I'm trying to be a better father," pahayag niya.

"If not even a father at least a better person. Makita nila sa publiko kapag napanood naman nila ako, hindi nila ikakahiya ang tatay nila na or kahit kadugo nila kung saan ako napunta," patuloy niya.

Sinabi pa ni Paolo na umaasa siyang matatanggap siya ng mga tao na nagawan niya ng pagkakamali kapag nakita na ang ginawa niyang pagbabago sa sarili.

Mayroong dalawang anak si Paolo sa mga dati niyang karelasyon na si Lian Paz, at isa naman kay LJ Reyes.

BASAHIN: Paolo Contis, kinatatakutan ang panahon na kamuhian siya ng kaniyang mga anak

Sa episode ng Fast Talk with Boy Abunda nitong Lunes, inamin ni Paolo na girlfriend niya ngayon si Yen Santos. --FRJ, GMA Integrated News