Hindi lang isa, kundi dalawang misis ang ibinabahay ng isang mister sa iisang bubong. Kasama nila ang kanilang 12 anak sa Paquibato District, Davao. Pero ang humiling daw na magkaroon ng pangalawang asawa si mister, ang kaniya mismong misis.

Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” itinampok ang kuwento ng kakaibang setup ng dalawang pamilya ni Ben Bualan sa piling ng dalawa niyang asawa na sina Linda at Glorita.

“Naghanap talaga ako ng ibang babae. Masakit para sa akin pero tinanggap ko na lang,” ayon naman kay Linda. “Si Linda ang nagsabi na mag-asawa ako ulit,” sabi ni Ben. “Pagkasabi ni Linda na mag-asawa pa ako ng isa, agad akong sumang-ayon sa kaniya.”

Sa paghahanap ni Linda ng isa pang misis para kay Ben, nakilala niya ang kaniyang kapitbahay na si Glorita, at nakasama pa nila sa iisang bahay.

“Pumayag ako agad dahil nagustuhan ko rin ang kanilang pag-uugali,” paliwanag ni Glorita.

Kaya kung anim sila dati sa kanilang kubo, 10 na ngayon silang naninirahan matapos magkaroon sina Ben at Glorita ng mga sarili nilang mga anak, bukod sa mga anak ni Ben kay Linda.

Ayon kay Ben, walo ang anak niya kay Linda ngunit dalawa ang namatay. Apat naman ang anak niya kay Glorita ngunit tatlo ang nasawi. Dekada 80 nang ikasal sina Ben at Linda, at nanirahan kalaunan sa bundok.Si Linda ang kumakayod at nagtatanim, habang si Ben ang naiwan para bantayan mga anak.

Isinilang si Ben na may kapansanan na hindi makatayo nang diretso dahil nakabaluktot ang kaniyang mga paa. Pagkalipas ng 10 taong pagsasama, humiling si Linda sa mister na magkaroon pa ng isang asawa.

Dahil si Linda ang nag-aasikaso sa kanilang pamilya, naisipan niyang pag-asawahin pa ng isa ang kaniyang mister.

“Mahirap talaga ma’am, kasi sa akin lahat kaya nakapag-isip-isip ako na mag-asawa pa siya ng ibang babae,” paliwanag ni Linda.

Ayon kay Linda, napili niya si Glorita dahil sa kasipagan nito, at para makatulong kay Ben.

“Noong kinausap ko siya, pumayag kaagad siya. Hindi na siya tumutol, pumayag na agad siya,” sabi ni Linda.

“Sumang-ayon ako na gawin akong asawa dahil naaawa ako kay Linda. Pumayag ako agad, dahil nagustuhan ko rin ang kanilang pag-uugali,” ani Glorita.

“Dati ma’am, masakit talaga sa akin na nakikita ko sa asawa ko na may ibang katabi. Pero ngayon wala na,” sabi ni Linda.

Si Linda ang nagluluto habang si Glorita ang taga-igib. Salitan sila sa pagsisilbi sa iisa nilang mister, at magkatuwang din sa pagtatanim sa bukid.

At dahil iisa ang kanilang kuwarto, natutulog silang tatlo nang magkatabi pagsapit ng gabi kung saan si Ben ang nasa gitna habang sina Linda at Glorita ang nasa gilid.

“Kung may marinig akong may ginagawa sila hindi na lang ako magsasalita. Matutulog na lang ako sa higaan ko, hindi na ako mag-iingay,” sabi ni Linda.

Magmula nang magkasakit si Ben, hindi pa nila ito naipatitingin sa doktor, dahil hirap sila sa buhay at nakatira sa tuktok ng bundok.

“Hindi kami mahihiya kasi wala naman kaming ginagawang masama. At saka para may makatulong din sa amin,” sabi ni Linda.

“Hindi kami nag-aaway kasi maganda ang pakikitungo ni Linda sa akin,” sabi ni Glorita.

“Mahal na mahal ko ang asawa kong si Ben, mahal ko siya hanggang mamatay ako. Kahit ganiyan ang sitwasyon niya, hindi ko talaga siya iiwan,” ayon kay Linda.

“Kaya nga inasawa ko ‘yan dahil mahal ko si Ben. Hanggang ako ay mamatay, mamahalin ko talaga si Ben,” sabi ni Glorita.

“Mahal ko sila pareho. Pinagsabihan ko silang dalawa na huwag sila mag-away. Dapat magtulungan silang dalawa,” mensahe naman ni Ben sa kaniyang mga asawa.

Tunghayan ang buong episode ng “KMJS” tungkol sa natuklasan ng mga doktor hinggil sa kalagayan ni Ben.

Alamin din ang paliwanag ng mga eksperto sa kalagayan nina Ben, Linda at Glorita na tinatawag na bigamy, at ano ang epekto nito sa mga taong sangkot. -- FRJ, GMA Integrated News