Duguan at wala nang buhay nang matagpuan ang isang lalaki sa loob ng kaniyang banyo sa Talisay City, Cebu. Ang biktima, pinaniniwalaang inatake ng mismong alaga niyang aso.

Sa ulat ni Fe Marie Dumaboc sa GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si George Mayol, 63-anyos, ng Barangay Mohon.

Nabahala umano ang mga kapitbahay ng biktima at nag-report sa mga awtoridad dahil hindi nila ito nakikita mula pa noong Lunes, Sept. 25.

Nang suriin ang kaniyang bahay, nakita ang katawan ng biktima sa kaniyang banyo.

Ayon sa awtoridad, nagtamo ng mga sugat ang biktima sa iba't ibang parte ng katawan, pati sa mukha.

Isa sa limang alagang aso ng biktima ang pinaniniwalaang  umatake sa kaniya.

Ayon sa kapatid ng biktima, inatake na rin noong nakaraang taon ng alagang aso si Mayol at nagtamo ito ng maraming sugat.

Pero sa kabila ng payo na i-surrender sa city pound ang aso dahil sa pagiging agresibo, tumutol si Mayol dahil sa pagmamahal sa alaga.

Dahil sa nangyari, dinala na sa city pound ang mga alagang aso ng biktima, batay na rin sa utos ng Talisay Veterinary Office. -- FRJ, GMA Integrated News