Emosyonal sina Ogie Alcasid at Karylle sa kanilang pagbabalik sa Kapuso Network, matapos ang contract signing ng “It’s Showtime” na mapapanood na ito sa main channel ng GMA-7 nitong Miyerkules. Si Ogie, umaasang magkaroon ng "SOP" reunion sa noontime show.

“Naluluha ako because of joy. Dito ako nanggaling noon, tapos ito at nakabalik ako. It’s an emotional journey. Sino ba ang makakapagsabi? Only God,” sabi ni Ogie sa panayam sa kaniya ng showbiz press, na mapapanood din sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Huwebes.

Hiling ni Ogie na muli niyang makasama ang kaniyang co-hosts sa "SOP," na dating variety show ng Kapuso Network tuwing Linggo.

“Maganda, magsama-sama kami for a great production number, we can relieve the old SOP days, that would be nice. Maybe nandiyan sina Jolina (Magdangal), sina Janno (Gibbs), Regine (Velasquez), Jaya. Maybe gagawin ko ‘yun sa birthday ko,” saad ni Ogie.

Labis din ang tuwa ni Karylle sa kaniyang pagbabalik-Kapuso.

“For me personally it’s almost like a homecoming also because I was welcomed back by the Kapuso bosses and I felt talagang very, very special and very, very welcome,” saad ng It’s Showtime host.

Pumirma ng kontrata ang “It’s Showtime” sa Kapuso Network kung saan mapapanood na sila sa main channel nito simula Abril 6.

Bukod sa main channel, mapapanood din ang It’s Showtime sa GMA Pinoy TV, habang patuloy din itong ini-ere ng GTV.

Nagsimulang mapanood ang "It's Showtime" sa GTV channel ng GMA noong nakaraang Hulyo.-- FRJ, GMA Integrated News