Sinariwa ni Randy Santiago ang ilan sa mga babae na naging espesyal sa kaniyang buhay, at kinumpirmang naging nobya niya noon si Maricel Soriano at maging si Pops Fernandez kahit sa “telepono” lang.

“Tinatawa na lang namin ‘yung Tito Boy, siguro mga 18 years old siya,” kuwento ni Randy sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Huwebes, tungkol sa naging relasyon nila ni Pops.

“Kinulit ko lang, ‘Hi! achu-chu-chu…’ mga gano’n. Hindi ba naikuwento niya, sa telepono lang kami naging mag-boyfriend,” pagpapatuloy niya.

Sabi ko nga, ‘Ni hindi ko nahawakan ‘yung kamay mo.’

Naunang ikinuwento ni Pops sa “Fast Talk with Boy Abunda” noong Pebrero na naging nobyo niya si Randy sa telepono.

Inilahad din ni Randy na naging nobya niya rin si Maricel nang magsama sila sa isang pelikula.

“Mga a year or less than a year siguro,” sabi ni Randy tungkol sa itinagal ng relasyon nila ng Diamond Star.

Matatandaang nagkatambalan sina Maricel at Randy sa pelikulang Taray at Teroy noong 1988.

Bukod dito, si Randy rin ang naging ka-date ni Kris Aquino sa JS Prom noong third year high school ito.

“Masaya. Pero siyempre nakaka-praning,” ani Randy.

 “Ang nanay niya Presidente ng Pilipinas eh, si ma’am Cory (Aquino). Pagkatapos, sinundo ko siya sa Arlegui, it was her third year, junior prom,” pagpapatuloy niya.

“Hindi ka naman nanligaw?” diretsahang tanong ni Tito Boy kay Randy.

“Hindi na po,” tugon ng actor-singer na tila may pag-aalinlangan.

“Mahiyain po ako eh. Shy talaga ako,” paliwanag niya.

Naging kabiyak ni Randy si Marilou Coronel, at mayroon silang tatlong anak na sina Raphael, Ryan, at Raiko.
Pero pumanaw si Ryan noong August 2017 sa edad na 24. --FRJ, GMA Integrated News