Inihayag ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon ngayong Huwebes na ban na o hindi na maaaring makipagtransaksyon sa kanilang kagawaran ang mga kontratista ng Wawao Builders at SYMS Construction Trading.

Ginawa ni Dizon ang pahayag nang bisitahin niya ang isang flood control project sa Barangay Sipat, Plaridel, Bulacan na kabilang sa umano’y mga ghost projects.

Ang Wawao Builders ang nasa likod ng naturang proyekto na idineklarang tapos na noong 2024.

Nang puntahan ni Dizon ang proyekto kanina, nakita niya na sinisimulan pa lang itong gawin sa nakalipas na tatlong linggo.

“Ang tawag ko rito, patay na pero pinipilit buhayin kasi nabayaran na siya e noong last year. Sabi dito ng DPWH, 100% completed na ito last year,” ani Dizon.

“Pero siguro, three weeks ago, umiinit, nag-iimbestiga na ang Senado at Kongreso, nagalit na ang Pangulo, pinipilit buhayin yung patay. Wala na. Klarong-klaro ghost project ito,” dagdag niya.

Samantala, kabilang din sa sinasabing ghost project ang reinforced concrete river wall project sa Barangay Piel sa Baliwag na Syms Construction Trading naman ang nakatalang kontratista.--  mula sa ulat ni Joviland Rita/FRJ GMA Integrated News