Nagkuwento ang Kapuso comedy genius na si Michael V tungkol sa personalidad na nakita niya sa pagdinig ng Senado tungkol sa umano’y katiwalian sa paggamit ng pondo para sa flood control projects.
“Actually una kong napansin kaagad 'yan sa Senate hearing. Ako mismo napansin ko na. Parang kamukha ko siya. Parang konting effort na lang magagaya ko na siya,” sabi ng komedyante sa ulat ng GMANetwork.com nang matanong sa naging una niyang reaksyon nang makita ang ka-look-alike.
Inamin din ni Michael V. na naisip niyang gawin ang skit bilang “Ciala Dismaya” dahil na rin sa matinding hiling ng publiko o ng mga netizen.
“Hindi ko muna inisip na gayahin right away. Pero dahil sa dami ng messages na nagpa-flood sa feed ko, binato ko na agad sa creative team ng Bubble Gang. And they had the same idea rin pala,” paliwanag niya.
Noong Lunes, Setyembre 8, unang inilabas ng Bubble Gang ang teaser ng sketch, na agad naman naging viral.
“Nagulat ako dahil nakatalikod pa lang, ‘di pa nga nila nakikita ‘yung mukha, na-excite na agad ‘yung mga tao. Abangan ninyo this Sunday, mas lalo kayong matutuwa sa inihanda naming,” sabi pa ni Michael V na kilala rin bilang si Bitoy.
Nakatitiyak na magiging makabuluhan at nakakaaliw ang itatampok ni Michael V. sa inaabangang parody.
“Kung ano ‘yung issue sa Senado, ‘yun din ang issue na tinackle namin. Pero as usual with the Bubble Gang formula, kailangan ilihis mo nang konti at humorous siya. Ang attempt namin ay hindi para manira ng tao kundi para magpatawa ng mga tao,” paliwanag niya.
BASAHIN: Iba pang karakter na makakasama ni ‘Ciala Dismaya’ sa 'Bubble Gang,' ipinasilip
Pagtiyak ni Bitoy, “This Sunday, babaha ng katatawanan.”
Mapapanood ang parody kay Ciala Dismaya sa Linggo, September 14 sa Bubble Gang sa ganap na 6:10 p.m. sa GMA Network.
Para sa ibang showbiz stories, bisitahin ang GMANetwork.com. – FRJ GMA Integrated News

