Nag-viral sa social media kamakailan ang dalawang bayawak na magkayakap na inaakalang tanda ng kanilang pagmamahalan. Pero ayon sa isang eksperto, iba kung minsan ang kahulugan nito sa mundo ng mga hayop.
Sa ulat ni Kuya Kim sa GMA News “24 Oras” nitong Biyernes, napag-alaman na kuha ang viral video ng mga bayawak sa University of the Philippines Visayas campus sa Miagao, Iloilo.
Ayon sa kumuha ng video na si Charlie Jagonos, unang beses niyang makakita ng magkayakap na bayawak na “cute” pagmasdan.
Inakala ng mga netizen na tanda ng pagmamahalan ang pagiging magkayakap ng dalawang bayawak.
Pero ayon sa herpetologist na si Dr. Arvin Diesmos, may ibang kahulugan ang pagyayakapan sa animal kingdom.
“Hindi ito love ritual. Ito ay tinatawag na combat ritual na pareho sila na mga lalaki. Itong behavior naman na ito, it's a common behavior na ginagawa ng mga males na mga bayawak, nag-e-establish ng territory ‘pag sila ay merong pinoprotektahan na kanilang breeding area,” paliwanag niya.
Ayon kay Kuya Kim, kahit isa ang mga monitor lizard sa pinakamalalaking butiki sa mundo, mabilis at maliksi silang gumalaw sa lupa.
Mahusay din silang lumangoy at kayang tumagal nang ilang minuto na nakalubog sa tubig.—FRJ GMA Integrated News
