Ibinahagi ng comedic trio nina Isko Salvador, Caesar Cosme at Chito Francisco kung paano nabuo ang segment nilang “Ang Dating Doon” sa “Bubble Gang,” na naging isa sa mga iconic na sketches ng programa.

Sa vodcast na “Your Honor!” ikinuwento ni direk Caesar na nabuo ang “Ang Dating Doon” sa ikatlong taon mula nang umere ang longest-running gag show ngayon sa bansa na umabot na ng 30 taon.

Ayon kay direk Caesar, nanggaling sa kaniya ang ideya, at naisip niyang si Isko lamang dapat na mag-isa ang haharap sa camera bilang si Brod Pete, na parody ng yumaong televangelist na si Brother Eli Soriano.

“Siya lang. Siya (Isko) lang ang gusto ko,” ani direk Caesar. “Idea ko. Sabi ko ‘Pare kahawig mo eh.’ Nadiskubre namin, pareho kami nanonood kay Brother Eli. Sumalangit nawa.”

“Nagkukuwentuhan kami. ‘Nanonood ka rin pala noon.’ Gawin natin kasi kamukha mo.’ Oo lang naman ito (Isko) nang oo,” sabi pa ni direk Caesar.

Dalawang linggo nang nakahanda ang set noon, ngunit tila ayaw ni Isko na mag-isa lamang siya sa segment.

“Hindi naman idea na Dating Doon na tatlo eh. Siya lang, kasi siya lang ang komedyante, siya lang ang artista sa amin. Kilala na siya eh,” sabi ni direk Caesar.

Pag-amin naman ni isko na may kasamang biro, “Ako ayaw ko talaga. Ayaw kong sumikat. Dadami pera mo.”

Dagdag pa ni direk Caesar, wala ring titulo ang segment noong una hanggang sa pumayag si Isko pero may kondisyon.

“‘Sama kayo,’” kuwento ni Isko tungkol kina direk Caesar at Chito.

Pumayag si direk Caesar na gumanap bilang si Brod Willy. “Sabi ko, ako pa? Kuha mo ako ng wig. Akala ako ‘pag nagsuot akong wig, ‘di na ako makikilala.”

Si Isko, iginiit na tatlo dapat ang nasa mesa, gaya ng nasa religious program ni Bro. Eli.

“Sabi niya kulang eh. Dapat tatlo ‘yun kung gagayahin. Eh ‘di si Chito na si Brother Josel,” kuwento ni direk Caesar.

Nang magtanong si Chito kung ano ang kaniyang gagawin, tugon ni direk Caesar sa kaniya, “Wala, hindi naman kinakausap ‘yun eh. Ang laging kinakausap lang si Brother Willie, dahil taga-basa.”

Kung matatandaan, si Chito na gumaganap na si Brod Jocel na laging tahimik na tila laging tulog sa segment.

“Eh ano ang gagawin nu’n? Eh ‘di nakatungo ka lang. Hindi naman laging tulog, nakatungo lang,” sabi ni direk Caesar.

Ibinalik ng "Bubble Gang" sa ika-30 anniversary special nito ang "Ang Dating Doon" kung saan bumalik sina direk Caesar bilang si Brother Willy at Chito bilang si Brother Jocel, ngunit gumanap si Kokoy De Santos bilang si Cong. Kikoy na pinalitan si Brod Pete (Isko). -- FRJ GMA Integrated News