Ang inakalang dalawang tao na maghahati sa P45 milyon na jackpot prize sa Grand Lotto 6/55 sa isinagawang draw noong February 21, 2026, lumitaw na tinayaan pala ng iisang tao na senior citizen na babae.

Sa inilabas na pahayag ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), sinabing kinubra ng lucky winner ang premyo sa tanggapan ng ahensiya sa Mandaluyong City noong March 6, 2026.

Ang winning combination sa naturang draw ay 09-23-03-49-50-01, at lumitaw na dalawa ang tiket na tumama. Pero lumitaw na iisang tao lang ang may-ari o may hawak ng dalawang tiket kaya nasolo rin niya ang premyo.

 

Kuwento umano ng lucky winner, ang kombinasyon na tinayaan niya ay mga paborito niyang mga numero. Una umano siyang tumaya noong February 19, 2026, pero tumaya muli siya sa sumunod na araw at muli niyang natayaan ang kaparehong kombinasyon  sa iba namang lotto outlet.

Plano umano niyang ibahagi ang premyo sa kamag-anak na maysakit at gagamitin ang iba pa sa kaniyang personal na pangangailangan. – FRJ GMA Integrated News