Isang Overseas Filipino Worker (OFW) na kabilang sa mga nakauwi sa bansa mula sa kaguluhan sa Middle East ang tutulungan na makapagsimulang muli sa pamamagitan ng pagtuturo sa Pilipinas.

Sa isang pahayag, sinabi ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), inihayag na unang lumapit ang pamilya ng OFW na si “Remy Rose,” sa tanggapan ni Manila Mayor Isko Moreno sa Pilipinas upang matulungan siya sa repatriation.

Kaagad umanong nakipag-ugnayan ang lokal na pamahalaan sa OWWA, at nakasama si Remy Rose sa mahigit na 300 iba pang OFWs mula sa Middle East ang nakauwi sa bansa kamakailan.

Nagtungo si OWWA Administrator Patricia Yvonne Caunan at Remy Rose sa Manila City Hall upang upang magpasalamat kina Mayor Moreno at Vice Mayor Chi Atienza para sa kanilang naging tulong sa repatriation ng OFW.

Napag-alaman na nagtapos ng kursong edukasyon si Romy Rose kaya magtutulungan umano ang lokal na pamahalaan ng Maynila, Department of Education, at OWWA, upang mabigyan siya ng pagkakataon na makapagturo.

“Bilang bahagi ng reintegration support, napag-alaman na si Remy Rose ay nagtapos ng kursong edukasyon. Dahil dito, agad siyang tutulungan ng OWWA Regional Welfare Office-NCR sa pangunguna ni Regional Director Ma. Teresa Capa sa pamamagitan ng pagbibigay ng gabay at assistance   upang makapagpatuloy siya sa paghahanda para sa Licensure Examination for Teachers,” saad sa pahayag ng OWWA.

Kamakailan lang, sinabi ni DepEd Secretary Sonny Angara na handa nilang suportahan ang mga gurong Pilipino na nagtatrabaho sa ibang bansa--gaya ng mga nasa Gitnang Silangan na may nangyayaring kaguluhan ngayon— dahil may nakahandang reintegration program ang kagawaran para sa kanila kung nais nilang magturo muli sa mga kabataang Pinoy sa Pilipinas.

Ayon sa DepEd, maaaring mag-apply ang mga magbabalik na guro sa ilalim ng programang Sa Pinas, Ikaw ang Ma’am at Sir (SPIMS), isang reintegration initiative na ipinatutupad katuwang ang Department of Migrant Workers (DMW), na nakapailalim ang OWWA.

Sa ilalim ng SPIMS Program, maaaring maitalaga ang mga kwalipikadong aplikante bilang Teacher I, na may permanent status, basta nakapasa sa mga itinatakdang qualification standards at umiiral na hiring guidelines.-- FRJ GMA Integrated News